Naaalala ko pa, I was ten years old the first time I read a romance
pocketbook. Ang salarin ay walang iba kundi ang classmate ko. Nagsimula
ang lahat ng pahiramin niya ako ng Sweet Dreams na libro. Huwag mo ng
itanong sa akin ang pamagat pati na din ang pangalan nung classmate kong
iyon dahil sa totoo lang ay hindi ko na talaga matandaan.
Anyways, binasa ko yung libro -- pumasok ako sa mundo ng bida,
nakitawa sa kanya, naki-adventure, at paminsan-minsan naki-iyak din. In
short nag-enjoy ako ng husto kaya naman mula noon ay nawili na ako sa
uri ng babasahing ito. From then on I was hooked, wika nga. Grade four
pa lang ako at the time at sa tuwing papasok sa eskuwela ay pirmi akong
may dalang pocketbook sa school bag ko. Imagine?! Sa halip na maglaro ng
chinese garter at patintero hayun ako at nagbabasa ng libro!
I started with Sweet Dreams tapos gr-um-aduate sa Harlequin/Mills &
Boon tapos mga best sellers naman noong nasa high school ako at college
ako. Nang mauso ang Tagalog Romance ay tumangkilik din ako ng mga iyon.
Pinaka-gusto ko at the time ang mga gawa ng yumaong si Helen Meriz.
Sa paglipas ng mga taon ay hindi ko na nakalakihan ang pagkahilig ko
sa ganitong uri ng libro. I've tried my hand at other forms of fiction
but I always came back to romance.
Nang makapagtapos ako sa kursong Psychology at makahanap
ng mapapasukan ay naging abala ako sa trabaho. Naisin ko man ay hindi ko
na maisingit ang pagbabasa. Wala na kasi akong oras. Dahilan kung bakit
pansamantalang isinantabi ko muna ang aking hilig.
Hindi naman sa pagyayabang pero alam kong kung pagbubutihin ko lamang
ang trabaho ay malayo ang mararating ko. In fact, sa tatlong kompanyang
pinasukan ko ay pawang mataas kung ako ay bigyan ng appraisal ng mga
naging boss ko.
Kaya lang hindi na talaga ako kuntento sa pago-opisina. Nagsawa na
ako. Kumbaga ay na-burn out na ako. Pakiramdam ko ay hindi doon ang
mundo ko.
Then came a point na na-realize ko na lang na sinasabotahe ko na pala
ang sarili ko. Hindi ko na magawang pumasok ng maaga at dumadalas na din
ang pag-aabsent ko. Nang mga panahong iyon ay panay na ang petiks ko sa
trabaho. Nang mga panahong iyon ay binalikan ko na ulit ang hilig ko.
Nagsimula akong magbasa ng romance pocketbooks. This time ang mga
librong gawa na ng Precious.
And then...
...sasabihin ko ba?
...hmm...
...nahihiya ako eh...
...dyahe talaga...
...pero walang saysay ang kuwentong 'to kung di ko sasabihin...
...kaya sige na nga...
...here goes...
Dahil sa panay ang late ko sa trabaho ay panay din ang pagbigay sa
akin ng memo ng boss ko. Gayunpaman, hindi ko magawang ayusin ang
attendance ko. Maaga naman ako kung magising pero pilitin ko man ay
hindi ko magawang umalis ng bahay ng maaga. Isipin pa lang kasi na sa
office ang punta ko ay nawawalan na ako ng gana.
And so it was inevitable, sa bandang huli ay pinag-resign ako ng
bosing ko. *sigh*
Ang nakapagtataka ay hindi sumama ang loob ko. Nahiya ako, oo. Pero
sa halip na madismaya ay tila nabunutan pa ako ng tinik sa dibdib.
Mantakin mo, nasisante na nga relieved pa? Kung hindi ba naman...
Nagsimula akong mag-soul searching. I asked myself kung ano ba talaga
ang gusto kong gawin sa buhay ko? The answer I found was in returning to
my childhood passion. Reading. That is, reading romance pocketbooks.
Pero hindi naman puwedeng magbasa lang ako ng magbasa habang-buhay.
Siyempre, kailangan ko ding kumain. And of course, kailangan ko ding
kumita ng pera para may pambili ako ng mga libro, di ba?
So I thought, ba't di ko kaya subukang magsulat?
Enter: self-doubt
Ang tanging exposure ko lang sa pagsusulat ay ang gumawa ng mga
protocols, reports, case resolutions, memos etc. Ano ba’ng malay ko sa
malikhaing pagsusulat na malayong malayo sa nakasanayan ko which is
technical writing?
My point is, naroroon ang pagdududa sa kakayahan ko.
Very timely naman na lumabas ang patalastas ng Precious para sa 2nd
Romance Writing Contest nila. Nang mabasa ko iyon ay napagdesisyunan
kong sumali.
Bumili ako ng ream ng papel at tumipa sa makenilya.
Naubos ang papel. Hindi ko nagustuhan ang kuwentong nahabi ko...
Kaya bumili ulit ako ng panibagong papel at tumipa na naman sa
makenilya. Subalit dahil sa bagal kong magsulat ay sumapit at lumipas na
ang deadline ng contest ay hindi pa din ako natatapos.
"Okay lang, tuloy pa din. Nasimulan ko na eh," sabi ko sa sarili ko.
I re-wrote the same story pero this time ay maayos-ayos na kaysa una.
Nang sa wakas ay natipa ko na ang katagang "the end" ay agad kong
isinumite ang nabuo kong manuscript sa tanggapan ng Precious.
Ilang linggo din akong naghintay. Pagkatapos ay tinawagan ko si Ms.
Jane para mag-follow up ng resulta. Nakapanlulumong balita ang ibinigay
niya sa akin. "Return" daw ang manuscript ko. In other words, REJECT.
Okay lang, tuloy pa din. Try and try until you die, sabi nga.
Gumawa ulit ako ng manuscript, ipinasa sa Precious, naghintay ng
resulta...after a few weeks...Na-reject na naman!
“Ayoko na!”
Baka talagang wala akong talent sa pagsusulat, sa isip-isip ko.
At dahil sumumpa akong hindi na ako magbabalik sa corporate world ay
naghanap na lang ako ng bagong pagkakaabalahan. Nag-buy and sell ako ng
RTW at kung anu-ano pang ka-kiyay-an galing sa mall ng masa (saan pa
kundi sa Divisoria?)
Lumipas ang mga linggo. Okay na ulit ako. Hindi man kumikita ng
malaki, at least kumikita pa din. At ang pinakamahalaga hindi na ako
harassed sa opisina. Puwede na 'yon sa akin...
for the mean time…
Because deep inside, naroroon pa din ang pagnanasa kong magsulat. I
didn’t know I wanted to be a writer until I tried my hand at writing.
The fever was there kaya lang nadala na ako. Naroroon na ang takot sa
dibdib ko. Mahirap kasing lunukin ang balitang na-reject ang "baby" na
pinaghirapan at pinagpuyatan ko. Hindi lang isang beses kundi dalawa!
Hanggang sa isang araw...
Nakatanggap ako ng text galing sa Precious. May quarterly meeting daw
ang mga writers ayon sa isang nagpakilalang Edith Garcia na nalaman ko
later ay chief editor pala nila.
Wow! Hindi ako makapaniwala.
Nabuhayan ako ng pag-asa.
Siyempre pa, dumalo ako sa nasabing meeting. Naalala ko pa, March 15,
2003 noon, ala una ng hapon. Dahil sa excitement, isa ako sa mga naunang
dumating.
Natuklasan kong pawang mga baguhang writer pala ang mga attendees ng
meeting. Subalit sa lahat, tanging ako lamang ang hindi pa natatanggapan
ng manuscript.
Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko sa aking nalaman. Bigla ay
nahiya ako sa balat ko. Lalo na nang bigyan kami ng instruction ng
may-ari ng Precious na si Sir Jun na ipakilala ang isa’t isa sa grupo at
sabihin kung ilan na ang mga librong nagawa namin.
Itinatala niya ang bilang sa tabi ng pangalan namin sa listahang
hawak niya. When my turn came, dahil wala pa nga akong pasadong libro,
asterisk lang ang inilagay niya sa tabi ng pangalan ko! It wasn’t a big
deal really, kaya ko lang nabanggit ay dahil para sa akin ay isa iyong
humbling experience.
Anyways, maraming tinalakay sa meeting at kabilang doon ang Summer
Romance Writing Workshop na gaganapin sa Mayo ng taon ding iyon. Their
was no question in my mind that I wanted to attend that seminar. Kaya
naman walang pagaatubiling inilagay ko ang pangalan ko sa listahan ng
mga nais dumalo
 |
And
come first Sunday of May ay natagpuan ko ang sarili ko sa conference
room ng Precious kasama ng iba pang mga work shoppers. Here’s a couple
of pictures taken during that workshop… |
|
Pagkatapos ng workshop ay binalikan ko upang
repasuhin ang kauna-unahang manuscript na ginawa ko, ang “Pangako ng
Kahapon”. Ayon sa komentaryo ng editor, kulang daw sa motibasyon ang
character ko at manipulado daw ang ilang eksena sa kuwento. Tinuunan ko
ng pansin ang mga problemang nabanggit at dahil sa naengganyo ako ng
husto ay hindi ko na namalayang humaba na ng humaba ang manuscript ko at
sumapat na para sa dalawang libro ang word count ko! |
 |
June 29, 2003 nang isumite ko ang “Pangako ng Kahapon” (re-titled as
Unforgotten Love). Incidentally, iyon din ang araw ng writer’s meeting
namin.
Aminado akong hilaw pa ang book two ng kuwento ko. Minadali ko kasi
ang pagsulat niyon dahil nahihiya akong magpakita sa meeting nang walang
dalang manuscript. In a way, nagigi-guilty din ako dahil magmumukhang
walang kinahantungan ang pagod ng mga nag-facilitate pati na din ang
in-invest sa amin ni Sir Jun para sa workshop kung hindi ako magsa-submit
ng manuscript. (Nga pala, nakalimutan kong banggitin na libre as in
LIBRE ang workshop, maging ang lunch, merienda at kape namin!)
"Bahala na kung ma-reject ulit," sa isip-isip ko. In all honesty,
iyon ang alam kong mangyayari, na mare-reject ulit ako. Kaya naman
mai-imagine ninyo ang aking gulat at galak nang tumawag ako sa Precious
upang mag-follow-up ng resulta at malamang taliwas sa aking inaasahan,
sa halip na "reject" ay "for revision" ang aking kuwento!
Kesehodang for major revision ang book two niyon. At least for
revision pa din, ibig sabihin, malaki ang tsansang ma-publish!
At hindi lang iyon ang magandang balitang natanggap ko. In fact,
sunud-sunod na ang pagdating sa akin ng good news.
Katatapos ko pa lang i-revise ang Unforgotten ay nakatanggap ako ng
text galing kay Ms. Edith. Nagpapa-return call siya sa akin. Nang
tawagan ko ay nalaman kong for minor revision ang ikatlong manuscript na
ipinasa ko, ang “No Holding Back”. Sa pagkakataong iyon ay hindi na ako
nahirapan dahil isang paragraph lang naman ang ipinababago niya sa akin
di tulad ng Unforgotten halos buong book two ay inayos ko.
Another week later, muli ay nakatanggap ako ng text mula sa Precious.
May nagpapa-return call ulit sa akin. This time si Ms. Susan naman, isa
sa mga editors doon. Tulad ng librong hinawakan ni Ms. Edith, ang akala
ko ay for minor revision ulit ako.
Ngunit nagkamali ako ng akala. Hindi pala for minor revision ang
ikalawang librong ipinasa ko. Nang tawagan ko si Ms. Susan, diskette na
ang hinihingi nito sa akin! Which meant na pasado without revision ang
Giyera-Patani ko! Hindi ako makapaniwala. Sobra-sobra ang kagalakan ko.
Katumbas ng isang malaking achievement ang sinabi niyang iyon sa akin.
But wait hindi pa dito nagtatapos ang lahat. The biggest good news of
all came a month later...
Isang co-writer ko who goes by the pen name Ria Gonzales texted me.
Congratulations daw dahil nag-Novel of the Month ako!
“Stir!” sabi ko sa kanya nang magkausap kami sa telepono right after.
Sa daang dami ng writers sa Precious, sino ba naman ang maniniwala na
ang kauna-unahang libro ng isang bagito ay mapipili bilang Novel of the
Month? Hindi maliit na bagay ang mapiling N.O.M. dahil sa humigit
kumulang 30 titles kada buwan ay isa, as in I-S-A lang ang napipili.
Pero mapilit si Ria. Hindi daw niya ako binibiro lamang. Still, I
didn’t believe her. Simula pa lang noon ng buwan at malabong lumabas na
ang resulta kaya imposible ang sinasabi niya. Iyon ang katwiran ng isip
ko.
Tinanong ko siya kung paano niya nalaman. Ang sabi niya, kagagaling
lang daw niya sa tanggapan ng Precious nang araw na iyon at di
sinasadyang makita niya ang pangalan ko sa N.O.M. certificate na hawak
ni Sir Jun na napadaan naman sa harap niya.
Puno pa din ng pagdududa, t-in-ext ko si Ms. Salve, ang editor na
humawak sa Unforgotten. Kailangan ko kasi ng confirmation.
“...May nakapagsabi sa aking nag-Novel of the Month daw ang libro
natin. Iko-confirm ko lang kung totoo ang balita bago ako magtatalon sa
tuwa.” More or less, iyon ang laman ng message ko sa kanya.
Some time passed bago siya nag-reply. During which ay namimilipit na
ako sa antisipasyon. Nang sa wakas ay nag-text back siya, simple lang
ang naging sagot niya,
“You can start jumping now,” she said.